Nagdaan ang maraming araw at buwan subalit hindi ko na muli pang nadagdagan ang mga nasusulat at nilalaman ng aking multiply blog. Maraming kadahilanan, una na rito ay ang pagiging abala sa pag- aaral ng lingguwaheng franse at dialektong lokal. Ikalawa siguro ay ang katamaran. O baka naman iyon ang pangunahing dahilan...hmmnn...well....maaari nga...
Parang kailan lang ng lisanin ko ang ating bayan at ngayon ay halos isang taon na rin ang nakalipas. Parang ang haba na nun a. Marami ng nangyari sa aking paglalakbay, hindi na halos mabilang ang mga pagkakamaling aking nagawa at mga aral na aking natutunan bilang isang baguhang misyonero sa lupaing estranghero.
Mahaba na ang isang taon, marami ng nangyari...
Lumipas na ang Araw ng mga Santo na walang nangangaluluwa o dalaw at piyesta sa sementeryo; naipagdiwang ko na rin ang Pasko na walang Simbang Gabi; pati na rin ang Bagong Taon na wala kahit isang paputok o kahit turotot man lamang; andiyan rin ang Tatlong Hari na walang naglilibot na Nino; Araw ng mga Puso na walang mga nakapula; Semana Santa na walang pabasa o pasyon, at penitensya, wala ring visita Iglesia at ang mahabang pila ng nangungumpisal, Linggo ng Pagkabuhay na walang Salubong; hay, iba talaga sa Pinas.
Nagdaan ang Mayo na wala man lang naranasang fiesta o di kaya´y Flores de Mayo; natapos ang Hunyo, Hulyo at Agosto na walang patak ng ulan; at pumasok ang Setyembre pero wala pang nagpapatugtog ng mga pamaskong awitin, at wala pa rin kahit isang anino ng parol at Christmas light. Ngayon ay buwan ng Oktobre, hinahanap ko ang gabi- gabing block rosary na may meriendang puto, biskwit, at bibingka, samahan pa ng kape, salabat o kaya ay sunny orange.
Isang taon din ang nakalipas na walang lechon, tuyo, bagoong, buko salad, gelatin, alimango o kahit sana talangka man lang, pero wala talaga. Nagluluto naman kami kahit papaano ng adobo, at pag nakabili ng noodles(maggi,etc), piyesta na kaming mga pinoy dito. Magluluto sana ako ng bopis, kaya lang hindi ko pa alam french ng aswete, saka na lang.
Datapwa´t hinahanap ko ang mga bagay na ito, pinipilit ko na lang isipin na dalawang taon na lang at muli na naman akong makakabalik sa Pilipinas. Ano na lang ang dalawampu´t apat na buwan, pasasaan ba at muli ko rin itong mararanasan at matitikman, pero, ngunit, datapwa´t, subalit, mantakin mang isipin, ang haba pa ng dalawang taon.
Hindi bale, hindi naman ako nag- iisa na may ganitong karanasan at nasa ganitong kalagayan, kasama ko ang libu-libong Pinoy na nagtatrabaho sa iba´t- ibang sulok ng mundo. Andiyan din siyempre ang aking mga classmates na katulad ko ay mga baguhang misyonero. Anu´t anuman, makakauwi rin kami, kaunting tiis lang. Mabuhay classmates, mabuhay mga kapwa ko Filipino!!!!